Saturday, July 16, 2011

Disenchanted


Ginambala ang aking pagmuni-muni ng dalawang anino sa gilid nang aking paningin: naniniid, nagmamasid. Ang aking paninging ang dilaw na liwanag at kahel na palibot ang pinagmamasdan kanina pa ay nakatuon na ngayon sa dalawang banhayng tila kaisa na ng aking anino.

Matao pa ang palibot. Batid ko ang mga magkakaibigang palabas ng malaking eskwelahan sa aking kanan. Hindi rin siguro mali ang aking hulang sila ay patungo sa kung saang lugar upang magsiyahan, sabagay, Biyernes na naman.

Marami pa sana akong iisipin upang aliwin ang aking isipan papalayo sa kay dami-daming bagay na siyang dahilan ng bigat na dinadala ko sa aking dibdib. Matagal ko nang tanggap ang aking pagkasawi sa pag-ibig. Tanging ang suliranin para sa aming pamilya - ang aming  panggastos sa araw-araw, ang panustos sa pag-aaral ng aking mga kapatid, at ang aking nais na makabalik sa pag-aaral - ang mga bagay na ito na lamang ang siyang nanatili sa akong kalooban.

'tang ina. Sa edad na dies y nuebe, pasan ko na ang mga problema ng isang treinta  anyos. Hindi ito biro, at ang masaklap pa ay napakadali akong napagsabihan ng isang kaibigan na tigilan na ang pagkalungkot. Wala ba akong karapatang malungkot? May ginagawa naman ako para matugunan ito. Oo, hindi ito sapat, pero pinagsisikapan ko 'to. Naputol ang aking daloy ng aking pag-iisip ng isang malamig at matulis na bagay na nakatutok sa aking tagiliran. Ang dalawang anino kanina'y tila nagkatawang tao at hinawakan ang aking magkabilang kamay, at iginiya papalayo sa lugar na iyon.

Ang mga sumunod na nangyari ay tila isang masamang panaginip. Bakit ba sa panahon ng kagipitan ay lalo tayong dinidiin, binabaon. Tanging ang aking id lamang ang naiwan. Kung bitbit ko ang aking selpon ay siguradong pati ito ay natangay din. Bukas, kailangan kong tumungo sa opisina at ipa-alam na ang pinakaingatingatang atm ay nawala. Hinanda ko ang aking sarili sa sweldong di ko matatanggap sa tamang araw. Hindanda ko na ang aking sikmura upang di ito magdaing sa mga oras na sanay itong napapasukan nang laman.

Ngayong gabi, tanging ang textong ito lamang ang may alam sa mga pangyayari.  Ngayong gabi, tanging ang higaang walang kutson ang siyang magpapa-alala ng lakas na nakatago. Ngayong gabi, tanging ang unan lamang ang siyang masasandalan, ang siyang magpupunas ng mga luhang kasabay ng mga hikbing halos pipi na.

4 comments:

  1. @spiral prince: aww... :( *virtual hugs*

    ReplyDelete
  2. tinood ba ni? nabasa man nako ang tweet nimo. :( *hugs*

    ReplyDelete
  3. hi sp. i hope you're ok. :(

    hugs

    ReplyDelete